Maayos at wala pang naitatalang malubhang insidente sa seguridad sa mga sementeryong binabantayan ng pulisya sa Lalawigan ng Rizal, ngayong Undas 2026.
Ayon kay Police Colonel Eleazar Barber Jr., maayos ang deployment ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa buong probinsya, partikular sa malalaking sementeryo na inaasahang dadagsain ng mga bisita ngayong araw.
Sa isinagawang inspeksiyon, ilan sa mga nakumpiskang ipinagbabawal na gamit ang sigarilyo, gunting, lighter, at vape habang wala pa namang nakukumpiskang mga nakamamatay na armas.
Inaasahan ng PNP na mas dadami pa ang mga bibisita sa mga sementeryo ngayong araw, maliban sa Angono, Rizal, na tuwing Nobyembre 2 ang nakatakdang paggunita.
Muling pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na huwag magdala ng matutulis na bagay, alak, sigarilyo, vape, at iba pang ipinagbabawal na kagamitan upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita sa Undas.