Nakaantabay ang Philippine Red Cross (PRC) Pangasinan Chapter – Dagupan City Branch upang magbigay ng agarang tulong medikal sa mga residenteng dumadalaw sa mga sementeryo, ngayong Undas.
Sa panayam kay Arnold Perci Juruena, Focal Person ng Safety Services/Disaster Management Service ng PRC Pangasinan Chapter – Dagupan City Branch, nagtalaga sila ng first aid station at nakahandang ambulansya para sa mga posibleng emergency. Isa sa mga lugar kung saan naaantabay ang organisasyon ay sa Eternal Gardens, isang pribadong sementeryo sa Dagupan City.
Kabilang din sa kanilang mga serbisyong inilaan ang welfare desk para sa mga batang maaaring mahiwalay sa kanilang mga magulang o kasama dahil sa dami ng tao.
Nagbibigay rin ang organisasyon ng psychological support at libreng malinis na inuming tubig, lalo na ngayong mataas ang temperatura.
Sa isinagawang pagmamanman ngayong umaga sa nabanggit na sementeryo, napansin ng kanilang pangkat ang pagdami ng mga taong nagtutungo sa binabantayang lugar. Kabilang sa mga karaniwang hinihinging tulong ang pagsukat ng presyon ng dugo at pag-asikaso sa mga nahihilo o nakararanas ng epekto ng init. Sa kabila nito, wala pa silang naitatalang malulubhang insidente.