Pinalalakas na ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa mga mall, palengke, terminal, simbahan at iba pang matataong lugar sa buong bansa ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Ito ay kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga mamimili dahil sa paglalabas ng mga bonus at 13th month pay ng mga manggagawa.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang mga police commanders na palakasin ang police visibility at pagpapatrolya.
Partikular na tututukan ang mga krimeng tulad ng pandurukot, pagnanakaw at robbery.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tiyakin ang seguridad ngayong holiday season.
Makikipagtulungan din ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at establisimyento upang maprotektahan ang publiko.