Naniniwala ang financial analyst na si Jonathan Ravelas na ang planong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos para sa mas malawak na pag-angkat ng produktong agrikultura at enerhiya ay maaaring magbigay ng mas matatag na suplay para sa bansa, ngunit kailangan itong maingat na balansehin sa umiiral na mga kasunduan sa ibang trading partners.
Sa panayam sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Ravelas na ang pinakamalaking benepisyo ng naturang kasunduan ay ang kasiguraduhan ng tuloy-tuloy na daloy ng mahahalagang inaangkat na produkto ng bansa.
Ayon sa kaniya, matagal nang sumusunod ang Pilipinas sa American standards pagdating sa maraming agricultural feed products tulad ng wheat at soybean meal na ginagamit sa livestock industry. Dahil dito, nakikita niyang magiging kapaki-pakinabang sa bansa ang mas malapit na ugnayang pangkalakalan sa Estados Unidos, lalo na sa panahon ng mga banta sa suplay na dulot ng mga sakuna at matitinding kondisyon ng panahon gaya ng El Niño.
Aniya, maaari ring bigyan ng prayoridad ng Amerika ang Pilipinas sa oras na magkaroon ng kakulangan sa pandaigdigang suplay ng pagkain at iba pang produktong agrikultural.
Gayunman, binigyang-diin ni Ravelas na mahalagang mapanatili ang balanse sa relasyon ng Pilipinas sa iba nitong trading partners. Nabanggit niyang mayroon nang umiiral na mga free trade agreement ang bansa na dapat isaalang-alang sa pagpapatupad ng anumang bagong kasunduan.
Sinabi rin niyang dapat tiyakin ng pamahalaan na hindi maaantala ang kasalukuyang pangangailangan ng bansa sa enerhiya habang isinasagawa ang mga negosasyon.
Para kay Ravelas, mahalaga ang pagkakaroon ng maaasahang pinagkukunan ng langis at enerhiya, lalo na sa gitna ng mga geopolitical tensions sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Aniya, kung magkaroon ng kaguluhan o hindi pagkakaunawaan sa mga bansang pinanggagalingan ng suplay ng langis, maaaring maapektuhan ang pagpasok nito sa Pilipinas.
Dahil dito, sinabi niyang maaaring magbigay ng dagdag na kumpiyansa sa bansa ang isang mas matibay na kasunduang pangkalakalan sa Estados Unidos, na matagal nang itinuturing na pangunahing kaalyado ng Pilipinas.