Nananatiling maganda ang ugnayan ng Pilipinas at India pagdating sa defense cooperation ng dalawang bansa, ayon sa embahada ng Pilipinas sa New Delhi.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Ambassador to India Josel Ignacio, sinabi nito na ang India ay isang mahalagang defense partner ng Pilipinas at ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) dahil maraming mga kagamitang pangseguridad ang nagmumula rito.
Ayon kay Ambassador Ignacio, bukod sa defense equipment, mayroon pang ibang mga bilateral relation ang Pilipinas sa India.
Nariyan aniya ang defense education training sa ilang mga opisyal ng dalawang bansa, defense level dialogue ng mga defense ministry, at maritime security activities.
Binigyang-diin din ng opisyal na nakatutulong ang ASEAN gathering upang makamit ang mga defense cooperation ng mga bansa at nagkakaroon ng mga bilateral meeting hinggil dito.