Isinusulong ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang proteksyon ng mga migrant worker laban sa illegal recruitment, human trafficking, at iba pang uri ng pananamantala sa mga manggagawang nangingibang-bansa.
Sa 49th ASEAN Summit and Related Summits, pinagtibay ang Declaration on Fair, Safe, Ethical and Sustainable Recruitment for Empowered Migrant Workers na nakatuon sa pagpapalakas ng transparency at accountability sa recruitment, kabilang ang pagkilala sa mga umiiral na sistema ng regulasyon at paglilisensya ng bawat bansa sa rehiyon.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, mahalagang mapagkatiwalaan ng mga bansa ang proseso ng isa’t isa, mula sa paglilisensya ng recruitment agencies hanggang sa pagtiyak na lehitimo ang mga employer na kumukuha ng mga manggagawa.
“Kailangang masuri kung lehitimo ang kanilang operasyon, maayos ang kanilang katayuan, at may kakayahan silang tiyakin ang proteksyon ng ating mga kababayan,” ani Cacdac.
Kabilang din sa mga isinusulong ng deklarasyon ang pagpigil sa sobrang placement fees, pagbibigay ng sapat na impormasyon bago ang deployment sa mga aplikante, at pagpapahusay ng mga mekanismo sa pagtugon sa reklamo at pagbibigay ng legal na tulong sa mga migrant worker.
Inaasahang magsisilbi itong gabay sa pagtutulungan ng mga bansang ASEAN para may malinaw na paraan ang mga inaabusong manggagawa na makahingi ng tulong at makamit ang hustisya.