Screenshot
Para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng rehiyon, nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na suportahan ang ASEAN Community Vision 2045.
Ito ang naging mensahe ng pinuno ng Kamara sa pormal na pagbubukas ng 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly o AIPA.
Ayon kay Speaker Dy, ang pagpapasa ng mga tamang batas, pampublikong pamumuhunan, at mas mahigpit na pagbabantay o oversight ang magtutulak sa paglago ng ekonomiya.
Diin ng mambabatas, sa pamamagitan nito ay tiyak na makikinabang ang mga magsasaka, manggagawa, maliliit na negosyo, at maging ang kabataan.
Kasabay nito, nanawagan din ang AIPA President ng mas malapit na ugnayan sa pagitan ng mga parlamento upang labanan ang mga makabagong banta sa digital world—gaya ng cybercrime, disimpormasyon, privacy risks, at ang mabilis na pag-usbong ng artificial intelligence o A-I.
Dagdag pa ng Speaker, upang makamit ang isang maka-taong ASEAN, kailangan ng matibay na koordinasyon ng gobyerno at lehislatura nang sa gayon ay magkaroon ng konkretong resulta ang mga kasunduan sa rehiyon.
Dahil hawak ng Pilipinas ngayong taon ang parehong ASEAN Chairmanship at AIPA Presidency, tiniyak ni Dy na mas palalakasin pa ng bansa ang ugnayan ng ehekutibo at lehislatura sa pamamagitan ng ASEAN-AIPA Leaders’ Interface,Fifth AIPA-ASEAN Hearing, at regular na palitan ng impormasyon sa pagpapatupad ng mga resolusyon. | ulat ni Melany Reyes