Nakiisa ang Presidential Broadcast Service-Bureau of Broadcast Services o PBS-BBS sa isang learning tour sa Radio France Internationale o RFI sa Paris, France, upang alamin ang mga makabagong pamamaraan sa paghahatid ng balita sa pamamagitan ng radyo.
Sa mahigit 50 taon nitong operasyon, nagsisilbi ang RFI bilang international news radio station na naghahatid ng balita sa buong mundo sa wikang French at 17 iba pang wika.
Sa pamamagitan ng tour na inorganisa ng CFI, nasaksihan ng delegasyon ang sistema ng kanilang newsroom, mula sa pagbuo ng mga balita hanggang sa paghahatid nito sa iba’t ibang bansa sa Europe at Africa.
Ibinahagi rin ng RFI kung paano nila hinaharap ang patuloy na pagbabago sa media landscape, partikular ang pagbaba ng bilang ng mga tagapakinig ng traditional radio.
Kabilang sa kanilang mga hakbang ang paggamit ng livestreaming at integrasyon ng video content upang mas mapalawak ang kanilang audience at makasabay sa digital platforms. Layunin ng pagbisita na makakuha ng mga bagong kaalaman at ideya na maaaring makatulong sa patuloy na pagpapahusay ng radio news broadcasting sa Pilipinas.