Nagpaalala ang Commission on Elections o COMELEC sa mga political party at party-list group na nais lumahok sa 2028 National and Local Elections na isang buwan na lamang ang natitira bago ang deadline ng pagsusumite ng kanilang mga kinakailangang dokumento.
Ayon sa COMELEC, hanggang December 18, 2026 na lamang ang panahon para maghain ng petisyon para sa pagpaparehistro ng mga political party at party-list group, gayundin ang manifestation o pormal na pagpapahayag ng kanilang intensiyong lumahok sa 2028 elections.
Samantala, una nang kinansela ng COMELEC ang registration ng 50 party-list groups sa bisa ng isang resolusyong inaprubahan ng COMELEC en banc.
Ito ay matapos mabigong lumahok ang mga naturang grupo sa nakalipas na dalawang halalan at hindi rin nakakuha ng hindi bababa sa dalawang porsiyento ng kabuuang boto sa party-list system. | ulat ni DK Zarate