Hindi lamang mga puntod ang dinarayo ng mga bisita sa mga sementeryo sa Antipolo City ngayong Undas, kundi maging ang ilang indibidwal na nakasuot ng iba’t ibang nakakatakot na costume na nagbibigay-aliw sa mga dumadalaw.
Sa Antipolo Public Cemetery, kapansin-pansin ang mga taong nag-aalok ng litrato at nagpapasaya sa mga bisita sa pamamagitan ng kanilang mga nakakatakot na kasuotan kapalit ay kahit magkanong donasyon.
Bagama’t may ilang bata at matatandang nagugulat at natatakot sa kanilang itsura, marami rin ang natutuwa at nakikisabay sa kanilang pakulo.
Isa sa mga naka-costume si Ronalyn, isang residente ng Antipolo, na nagsabing masaya siyang makapagbigay-aliw sa mga bisita habang kumikita para sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Sa kabila ng init ng panahon at pabugso-bugsong ulan, tiniis niya ang pagsusuot ng costume at planong magpatuloy hanggang 10:00 ng gabi.