Photo courtesy of PRO 8
Isinailalim sa full alert status ng Police Regional Office 8 (PRO-8) ang buong Silangang Visayas kasabay ng pagpapakalat ng kabuuang 19,972 security personnel, katuwang na ahensiya, at force multipliers para sa paggunita ng Undas 2026 mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3.
Nagsimula ang full alert status ganap na alas-12:01 ng hatinggabi noong Oktubre 30 at magpapatuloy hanggang alas-12:01 ng hatinggabi ng Nobyembre 3, upang matiyak ang operational readiness ng kapulisan sa buong rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni PRO-8 Regional Director PBGEN Romano Cardiño.
Ayon sa opisyal na ulat ng PRO-8, binubuo ang nasabing puwersa ng 5,827 opisyal ng pulisya mula sa rehiyon. Kabilang dito ang 385 tauhan mula sa Regional Headquarters, 1,185 mula sa Leyte Police Provincial Office (PPO), 833 mula sa Northern Samar PPO, 697 mula sa Eastern Samar PPO, 678 mula sa Southern Leyte PPO, 634 mula sa Samar PPO, 338 mula sa Biliran PPO, pati na rin ang 578 mula sa Tacloban City Police Office at 499 mula sa Ormoc City Police Office.
Katuwang din sa nasabing operasyon ang 2,193 personnel mula sa mga partner agency tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP), pati na ang 11,952 force multipliers na binubuo ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), mga kinatawan ng local government units (LGUs), at mga traffic enforcement team. Nakatakdang bantayan ng mga nakalatag na tauhan ang 326 pampubliko at pampribadong sementeryo at 11 memorial parks sa buong rehiyon. Magtatayo rin ng 343 Police Assistance Desks (PADs) na pinalakas ng 2,165 tauhan upang magbigay ng tulong at magpanatili ng kaayusan sa publiko.
Bukod dito, nagtalaga rin ng 409 tauhan sa mga simbahan at pook-sambahayan, 549 sa mga pangunahing kalsada, 309 sa mga terminal at transport hub, at 265 sa mga pasyalan. May karagdagang 697 personnel din na nakatoka sa mobile patrols at 1,433 naman sa mga checkpoint operation.
Binigyang-diin ni PBGEN Cardiño na ang tagumpay ng seguridad sa Undas ay nakasalalay sa pagtutulungan ng lahat ng sektor ng lipunan.
“Ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng Undas ay nangangailangan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng ating mga kapulisan, mga katuwang na ahensiya, at ng buong komunidad. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at patuloy na koordinasyon, masisiguro natin ang kaligtasan ng publiko at ang maayos na paggunita sa Undas 2026,” pahayag ng Regional Director. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar, RP Borongan
📸 PRO 8