Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS sa Alert Level 3 mula Alert Level 2 ang Bulkang Mayon matapos ang moderate explosive eruption nito kaninang alas-11:53 ng umaga, October 30.
Ayon sa Mayon Volcano Bulletin ng PHIVOLCS, umabot sa tatlong libong metro o tatlong kilometro ang taas ng makapal at mabilis na pag-akyat ng ash plume mula sa bunganga ng bulkan.
Tinangay ito ng katamtamang hangin patungong kanluran-timog-kanluran, habang inaasahang makararanas ng ashfall ang mga komunidad sa Daraga, Guinobatan at mga karatig-bayan sa Albay.
Dahil sa pagtaas ng alert status, pinapayuhan ng PHIVOLCS ang agarang paglikas ng mga residente sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone o PDZ dahil sa panganib ng pyroclastic density currents, pagdaloy ng lava at pagguho ng mga bato.
Nagbabala rin ang ahensya sa posibleng pagdaloy ng lahar at iba pang volcanic hazards sa mga susunod na araw hanggang linggo.