Photo courtesy of PRIB/ Senate
Nanawagan si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno sa pamahalaan na maglatag ng malinaw at konkretong hakbang upang mapigilan ang patuloy na paghina ng halaga ng piso at mabawasan ang epekto nito sa mga ordinaryong pamilya.
Ayon kay Diokno, hindi sapat ang payo ng pamahalaan na huwag mag-panic dahil kailangan ding malaman ng publiko kung ano ang aktuwal na plano nito upang tugunan ang mga hamong pang-ekonomiya.
Binigyang-diin ng mambabatas na higit na nangangailangan ng agarang aksiyon ang mga pamilyang hirap pagkasyahin ang kanilang kita dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, tuwing humihina ang piso at tumataas ang presyo ng mga produkto, lalo ring nababawasan ang kakayahan ng mga pamilya na bumili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Dahil dito, hinimok ni Diokno ang pamahalaan na magpatupad ng mga konkretong hakbang upang maprotektahan ang purchasing power ng mga Pilipino at matiyak na mananatiling abot-kaya ang mga pangunahing bilihin.