Naka-alerto ngayon ang Department of Energy (DOE) para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente at kaligtasan ng publiko sa darating na Undas.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nakikipagtulungan na ang DOE sa mga kumpanya ng kuryente, NGCP, at mga gasolinahan para mabilis na maaksyunan ang anumang brownout o kakulangan sa fuel habang dagsa ang mga biyahero.
Nagpaalala rin ang kagawaran sa mga aalis ng bahay na mag-unplug ng mga appliances para makatipid sa kuryente at maiwasan ang sunog. Maaaring isumbong ang mga electrical hazard tulad ng “jumper” o nagliliyab na kawad sa eGovPH App, habang ang mga brownout naman ay dapat i-report agad sa lokal na distribution utility o kooperatiba ng kuryente.
Para sa mga motorista, pinapayuhan silang magplano ng biyahe upang makatipid sa gas. Paalala naman para sa mga gumagamit ng Electric Vehicles o EV, mayroon nang 1,941 na pampublikong EV charging points sa bansa na maaaring hanapin sa website na evindustry.ph upang hindi maaberya sa daan.
Sa mga sementeryo naman, hinihimok ang publiko na gumamit ng LED candles o solar lamps sa halip na totoong kandila para iwas-sunog.