Hihigpitan pa ng National Capital Region Police Office o NCRPO ang panghuhuli sa mga lasing na drayber ngayong Undas at holiday season sa Metro Manila sa ilalim ng Republic Act No. 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, magpapakalat sila ng mga pulis sa mga pangunahing kalsada, entertainment districts, at mga lugar na madalas may aksidente.
May otoridad ang mga sinanay na pulis na magpa-field sobriety test at breath test sa mga kahina-hinalang motorista sa ilalim ng nasabing batas.
Makikipagtulungan din ang NCRPO sa LTO kasunod ng babala nito na simula sa darating na Nobyembre 15 magkakaroon na ng permanenteng pagbawi o revocation ng lisensya ng mga drayber na mahuhuling lalabag sa pagmamaneho ng lasing, lalo na kung ang aksidente ay nagresulta sa kamatayan.
Paalala ng NCRPO sa publiko, huwag nang magmaneho kung nakainom. Mag-commute o kumuha ng designated driver upang makauwi nang ligtas sa pamilya ngayong holiday season.