Sinuspinde na ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan ng Albay kasunod ng pagtataas sa Alert Level 3 ng bulkang Mayon.
Sa inilabas na PDRRMC-APSEMO Advisory No. 19 ngayong October 30, 2026, iniutos ni Albay Governor Noel Rosal ang agarang paglikas ngayong hapon ng mga residenteng nasa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone o PDZ ng bulkan.
Inatasan din ang mga city at municipal disaster risk reduction offices na magsagawa ng 24-oras na monitoring sa kani-kanilang nasasakupan.
Kabilang sa iba pang direktiba ang pagbabawal sa pagpasok sa PDZ, mountain climbing at iba pang aktibidad sa loob nito.
Nilimitahan din sa Cagsawa Ruins ang ATV rides, habang pansamantalang ipinagbabawal ang pagpasok sa Mayon Skyline at pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa mismong ibabaw ng bulkan.
Pinapayuhan ang publiko na gumamit ng face mask o basang tela bilang panakip sa ilong at bibig sakaling magkaroon ng ashfall, at manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso ng mga awtoridad.