Screengrab courtesy of Manila PIO
Nagbabala si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso laban sa mga pasaway at manggugulo sa mga sementeryo ngayong Undas 2026.
Kasunod ito ng isinagawang inspeksyon ng alkalde sa Manila North Cemetery ngayong Oktubre 30, kung saan tiniyak niyang handa na ang lungsod sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong bisita.
Mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng sementeryo ang alak, matutulis na bagay, baril, karaoke at pagtitinda.
Nagbabala rin si Domagoso laban sa paggawa ng mga pansamantalang tulay sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue na maaaring magdulot ng aksidente at kukumpiskahin ng Manila Police District o MPD.
Samantala, nagsimula na alas-siyete ng umaga ngayong Oktubre 30 ang pagsasara ng ilang kalsada sa paligid ng sementeryo na inaasahang muling bubuksan sa Nobyembre 3.
Magkakaroon naman ng libreng e-trike rides sa loob ng sementeryo, na prayoridad ang mga senior citizen at persons with disabilities.
Mayroon ding Puntod Finder program upang tulungan ang mga bisitang hanapin ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Pinayuhan din ang mga senior citizen at may karamdaman na umiwas sa matinding siksikan at magsuot ng face mask bilang pag-iingat laban sa influenza.
Nanawagan si Domagoso sa publiko na panatilihing tahimik, maayos at ligtas ang paggunita sa Undas.