Photo courtesy of Manila PIO
Naglunsad ng libreng influenza vaccination program ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Department of Health o DOH para sa mga senior citizen at iba pang vulnerable groups sa Baseco, Maynila.
Pinangunahan nina Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Health Secretary Dr. Edwin Mercado ang programa ngayong Oktubre 30, na may paunang target na mabakunahan ang 200 senior citizen.
Kabilang din sa mga maaaring makinabang ang mga buntis, indibidwal na mahina ang immune system, may mga karamdaman, at healthcare at frontline workers.
Tiniyak ng DOH na magbibigay pa ito ng karagdagang bakuna para maipamahagi sa iba’t ibang komunidad sa Maynila sa mga susunod na linggo.
Samantala, inanunsyo rin ni Mercado na palalawakin mula 75 hanggang 135 ang mga libreng gamot na maaaring makuha ng mga Manileño sa susunod na taon, kabilang ang insulin at iba pang maintenance medicines.
Inaasahan ding makakakuha na ng license to operate ang bagong Baseco Hospital sa mga susunod na araw matapos malagyan ng mga bagong kagamitang medikal bilang bahagi ng ₱324 million na medical equipment procurement program ng lungsod.