Photo courtesy of PCG
Umabot na sa 246,917 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong naitala ng Philippine Coast Guard o PCG sa iba’t ibang pantalan sa bansa mula hatinggabi ng Oktubre 29 hanggang alas-sais ng umaga ngayong Oktubre 30.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PCG, nasa 126,912 ang outbound passengers habang 120,005 naman ang inbound passengers.
Sa pagitan lamang ng alas-dose ng hatinggabi hanggang alas-sais ngayong umaga, umabot sa 27,487 ang naitalang pasahero.
Nakapagtala rin ng 5,606 na papasok at palabas na rolling cargoes, habang 184 na barko at 63 motorbanca ang isinailalim sa inspeksyon.
Pinakamaraming pasahero ang naitala sa Coast Guard District Southern Tagalog na may 8,480 biyahero sa loob ng anim na oras.
Bahagi ito ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 ng PCG upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas.