Photo courtesy of MARINA
Pinaigting ng Maritime Industry Authority o MARINA ang inspeksyon sa mga pampasaherong barko sa Port of Batangas bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.
Pinangunahan ni MARINA Deputy Administrator for Operations Rear Admiral Loumer Bernabe, kasama si Enforcement Service Director Luisito delos Santos, ang pagsusuri sa mga dokumento ng barko, safety equipment, electrical system, at bilang at kwalipikasyon ng mga tripulante.
Layunin nitong matiyak na sumusunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ang mga barko bago payagang maglayag.
Katuwang ng MARINA sa inspeksyon ang Philippine Coast Guard at Philippine Ports Authority.
Bahagi ito ng Oplan Byaheng Ayos: Undas 2026 upang maiwasan ang mga aksidente sa dagat at matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at tripulante.
Tiniyak ng MARINA na magpapatuloy ang mga inspeksyon sa mga barko ngayong Undas.