Photo courtesy of DOLE
Magkakaroon ng mas malawak na oportunidad sa skills training, trabaho at dagdag-kabuhayan ang mga barangay health worker o BHW sa bansa.
Ito ay matapos lumagda sa isang Memorandum of Understanding ang Department of Labor and Employment o DOLE, Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, at mga grupong National Public Workers Congress o PUBLIK at Malayang Kalipunan ng Barangay Health Workers sa Pilipinas.
Pinangunahan nina DOLE Secretary Francis Tolentino at TESDA Director General Jose Francisco Benitez ang paglagda sa kasunduan sa Taguig City noong Oktubre 29.
Sa ilalim ng kasunduan, maaaring makinabang ang mga kwalipikadong BHW sa libre o subsidized na competency assessment, skills training, pagkilala sa dati nang kasanayan, at mga programang pangkabuhayan at pang-empleyo.
Layunin nitong mapataas ang kakayahan at dagdagan ang pagkakakitaan ng mga BHW na may mahalagang papel sa serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.
Binigyang-diin ng DOLE na pagkilala rin ang programa sa kontribusyon ng mga barangay health worker, na marami sa kanila ay nagsisilbi bilang mga boluntaryo.