Welcome para kay legal spokesperson Atty. Benjamin Jay Tolosa Jr. ang inilabas na show-cause order ng Senate impeachment court laban kay Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni VP Sara Duterte.
Ang kautusan ng Senate impeachment court ay bunsod ng mga pahayag nito na umano’y umaatake sa integridad ng korte.
Sa puna ni Senador-Judge Erwin Tulfo, ang mga naging pahayag ni Panelo ay kumukuwestiyon sa pagtatanong ng mga senator-judges sa defense witness.
Sinabi ni Tolosa na matagal nang nagbababala ang prosekusyon laban sa mga pahayag na maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa korte at posibleng lumabag sa sub judice rule.
Nagbabala rin si Tolosa na ang paulit-ulit na pagkuwestiyon sa pagiging lehitimo ng impeachment court ay maaaring maging “mind conditioning” sa mga tagasuporta ng Bise Presidente upang hindi tanggapin ang magiging hatol kung sakaling hindi ito pabor sa kanya. Sa ilalim ng show-cause order, inaatasan si Panelo na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat ma-cite in contempt.