Umabot sa 1,170,004 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong dumaan sa mga pantalan sa ilalim ng Philippine Ports Authority (PPA) noong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) long weekend mula Nobyembre 13 hanggang 18, 2026, kung saan nakapagtala ng pinakamataas na bilang ang Port Management Office (PMO) Panay/Guimaras.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, Nobyembre 20, sinabi ng PPA na ipinapakita ng naitalang datos ang naging maayos na daloy ng biyahe sa mga pantalan sa kabila ng pagdagsa ng mga biyahero.
“Sa kabila ng pagdagsa ng mga pasahero, nanatiling maayos, ligtas, at organisado ang daloy ng biyahe sa mga pantalan sa pamamagitan ng pinaigting na seguridad at tuloy-tuloy na operasyon ng mga kawani ng PPA,” ayon sa ahensya.
Pinakamaraming naitalang biyahero noong Sabado na pumalo sa 216,168 pasahero, na sinundan naman noong Linggo na may 208,851.
Sa iba pang mga araw ng long weekend, nakapagtala ang PPA ng 189,032 pasahero noong Biyernes; 195,222 noong Lunes; 182,285 noong Martes; at 178,446 noong Miyerkules.
Kasunod ng PMO Panay/Guimaras, kabilang din sa mga pinakaabalang pantalan ang PMO Batangas, PMO Davao, PMO Negros Oriental/Siquijor, at PMO Mindoro.
Nauna nang iniulat ng PPA noong Lunes na dumoble ang arawang bilang ng mga pasahero sa Batangas Port na umabot sa humigit-kumulang 15,000 mula sa karaniwang 7,000.
Sa parehong unang bahagi ng bakasyon, nakapagtala naman ang Port of Calapan ng 22,673 pasahero simula noong Biyernes, habang ang PMO Marinduque/Quezon ay nakapaglista ng 21,542—mas mataas nang 5,643 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Tiniyak ng PPA na patuloy itong magpapatupad ng mga hakbang upang masiguro ang ligtas at komportableng biyahe para sa bawat pasahero.