Binatikos ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro ang pahayag ng defense team ni Vice President Sara Duterte na nag-aksaya umano ng oras ng korte ang prosekusyon.
Sa Day 45 press conference ng paglilitis, nilinaw ni Luistro na isinaalang-alang nila ang kapakanan ng publiko, partikular ang hangarin nitong makita ang maagang pagtatapos ng impeachment trial.
Sa huling bahagi ng paglilitis kahapon, nagbigay ng manifestation si Atty. Shiela Sison na nag-aksaya umano ng oras ang prosekusyon nang magprisinta ito ng mga ebidensya at testigo.
Iginiit din ni Luistro na ang desisyon ng kanilang kampo na iatras ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente ay pabor pa nga sa depensa dahil isa na lamang sa mga kaso ang kailangan nilang sagutin.
Higit sa lahat, kinonsidera umano nila ang mga nakabinbing mahahalagang gawaing lehislatibo na kailangang tugunan ng parehong Senado at Kamara, kabilang ang pagpasa ng pambansang badyet para sa 2027. Dagdag pa ng mambabatas, sa daloy ng presentasyon ng ebidensya ng depensa, kapansin-pansin na “dragging” na ang paghaharap ng kanilang mga testigo, ngunit hindi naman nasasagot o napapabulaanan ang mga alegasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.