Ibinunyag ni impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers ang umano’y pag-endorso ni VP Sara Duterte sa Cale88 banana chips.
Sa isinagawang press conference, ipinakita ni Barbers ang isang litrato ni VP Sara Duterte na umano’y nag-eendorso ng banana chips na gawa ng Cale88 Foods Corp., isang kumpanyang dating pagmamay-ari ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Inilahad ni Barbers ang litrato matapos iatras ng depensa ang isang testigo mula sa CITEM.
Aniya, tila ginamitan umano ng impluwensya ng bise presidente upang maisama ang produkto sa isang food exhibition kahit lampas na sa deadline ng aplikasyon.
Sa litrato, makikita si VP Sara na may hawak na pakete ng “Cale’s Banana Chips.”
Ipinahiwatig ni Barbers na maaaring nakaapekto ang posisyon ni Duterte bilang bise presidente sa naging desisyon ng ahensya na tanggapin ang nahuling aplikasyon.
Bahagi ang Cale88 ng mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon hinggil sa umano’y hindi naideklarang interes sa negosyo at hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente. Kinuwestiyon din ng House prosecution ang tinatayang ₱320 milyon na remittances na natanggap ng kumpanya mula sa China.