Naglabas na ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TRB) na agad nang simulan ang pagpapatupad ng barrier-less toll collection system sa lahat ng expressway sa bansa bago matapos ang kasalukuyang taon.
Layunin ng hakbang na ito na tuluyang wakasan ang matagal nang problema sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga toll plaza, lalo na tuwing rush hour at sa mga panahong marami ang bumibiyahe.
Sa pamamagitan ng bagong sistema, hindi na kakailanganing huminto ng mga sasakyan upang maghintay sa pagtaas ng mga toll barrier o harang, na siyang pangunahing nagdudulot ng mahabang pila sa mga pasukan at labasan ng mga pangunahing lansangan.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, malaki ang magiging pakinabang ng mga motorista sa oras at konsumo ng gasolina kapag tuluyan nang gumana ang barrier-less system.
Paliwanag ng kalihim, ang mas mabilis at tuloy-tuloy na galaw ng mga sasakyan papasok at palabas ng mga toll gate ay direktang magpapagaan sa araw-araw na biyahe ng publiko at magpapababa sa gastos sa transportasyon.
Bilang pagtugon sa kautusan ng Pangulo, inatasan na rin ni Sec. Dizon ang lahat ng tollway operators na puspusang tapusin ang lahat ng kinakailangang teknikal at operasyonal na preparasyon sa kani-kanilang mga toll system.
Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng kahandaan ng mga kagamitan—gaya ng mga RFID scanner at mga camera—upang matiyak na magiging maayos at hassle-free ang nakatakdang pilot launch ng mga barrier-less tollway ngayong darating na Disyembre. Inaasahang maglalabas ang DOTr at TRB ng mga karagdagang alituntunin sa mga susunod na linggo hinggil sa mga partikular na panuntunan para sa mga motorista, kabilang na ang pagtiyak na may sapat na load ang kanilang mga RFID account bago pumasok sa mga expressway upang maiwasan ang anumang aberya at multa sa panahon ng pilot testing.