Nakatakdang pamunuan at i-host ng Pilipinas ang panukalang ASEAN Maritime Center, isang regional knowledge hub at advisory platform na naglalayong patatagin ang pagtutulungan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya pagdating sa maritime security, kaligtasan sa karagatan, pangangalaga sa kalikasan, pangisdaan, at blue economy.
Ayon kay National Maritime Council (NMC) spokesperson Undersecretary Alexander Lopez, pagsasamahin ng nasabing Maritime Center ang mga pananaliksik, pagbabahagi ng impormasyon, at mga rekomendasyon sa polisiya upang maisulong ang pangmatagalang kooperasyong pandagat sa rehiyon.
“Ang layunin ng ASEAN Maritime Center ay magkaroon ng isang mas organisado at pangmatagalang pagtutulungan ng mga bansa sa ASEAN,” pahayag ni Lopez.
Dagdag pa niya, palalakasin ng inisyatibong ito ang kamalayan at teknikal na kakayahan ng Pilipinas bilang isang archipelagic nation, habang sinusuportahan ang mga kasalukuyang ahensya ng pamahalaan.
“Mahalaga ito dahil nakasalalay sa ating karagatan ang ating seguridad, ang ating kabuhayan, pagkain at pati na rin ‘yung trade o ‘yung ating kalakalan,” ani Lopez. “Hindi nito papalitan ang ating maritime agencies, kundi ito ay susuportahan pa at palalakasin ang kanilang mga kanya-kanyang kakayahan.” dagdag ni Lopez.
Nilinaw naman ng opisyal na ang ASEAN Maritime Center ay hindi isang mekanismo para sa pagresolba ng mga agawan sa teritoryo. Sa halip, itataguyod nito ang kapayapaan at kooperasyon alinsunod sa pandaigdigang batas, partikular na ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Award.
Sa kasalukuyan, patuloy pang binubuo ang istruktura ng organisasyon, pamamahala, tauhan, pondo, at sistema ng operasyon ng Maritime Center, kung kaya’t wala pang tiyak na petsa kung kailan ito pormal na magsisimula.
Gayunpaman, umaasa si Lopez na maitatatag ito sa panahon ng chairmanship ng Singapore sa ASEAN sa taong 2027.
Samantala, mainit na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-apruba sa concept note at terms of reference para sa pagtatayo ng ASEAN Maritime Center sa bansa. Ayon sa militar, malaking tulong ito upang lalong mapagtibay ang seguridad at pamamahala sa karagatan ng rehiyon.