Tiniyak ni Department of Education o DepEd Secretary Sonny Angara na maaaring gamitin ng mga pampublikong paaralan ang kanilang nadagdagang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) upang makabili ng mga kinakailangang accessory para sa mga ipinamahaging MacBook Neo laptop.
Kasabay ito ng pamamahagi ng humigit-kumulang 1,441 unit ng MacBook Neo sa mga pampublikong guro at administrative personnel mula sa mahigit 60 paaralan sa ilalim ng DepEd Schools Division of Antipolo City sa Rizal.
Sa kanyang talumpati, ipinagtanggol ni Angara ang naturang kasunduan sa Apple matapos kuwestiyunin ng ilan kung sulit ang ginastos ng ahensya.
Giit ng kalihim, halos doble ang tunay na halagang nakuha ng DepEd kumpara sa aktwal na ibinayad nito dahil kalakip ng mga laptop ang skilling at upskilling programs para sa mga guro, pati na rin ang kauna-unahang limang taong warranty.
Dagdag pa ni Angara, ang hakbang na ito ay bahagi ng pag-aalaga at pagbibigay ng pamahalaan ng pinakamahusay na kagamitan para sa mga guro na patuloy na nagsisikap at nagbibigay ng higit pa sa inaasahan sa kabila ng kakulangan sa gamit. Ani Angara seryoso si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ma maibigay sa bawat guro ang pag-aalagang nararapat para sa kanilang natatanging serbisyo.