Target ng Senado na maaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang 2027 national budget sa December 7 habang inaasahang sisimulan ang bicameral conference committee o Bicam para dito sa December 10.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, sisimulan sa November 23 (Lunes) ang sponsorship sa committee report at ang plenary deliberations ng mga panukalang pondo ng bawat ahensya, na target nilang matapos sa loob ng isang linggo.
Inaasahan namang tatagal nang tatlo hanggang limang araw ang Bicam, kung saan pag-uusapan at pagkakasunduin ng Senado at Kamara ang kanilang mga bersyon ng panukalang budget.
Tiniyak ni Ejercito na magiging bukas sa publiko ang Bicam, alinsunod sa isinusulong na transparency sa pagtalakay ng pambansang pondo.
Target ng Senado na matapos ang buong proseso at malagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang General Appropriations Act bago matapos ang taon para maiwasan ang reenacted budget.
Binigyang-diin ng Senate Finance chief na mahalagang maipasa agad ang budget para masimulan na sa Enero ang full-scale implementation ng mga proyekto at makatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.
Aminado naman ang senador na masikip ang kanilang schedule dahil sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Disyembre.
Gayunman, tiniyak niyang sisikapin nilang hindi makokompromiso ang pagsusuri sa panukalang budget.