Bibigyang prayoridad ng Armed Forces of the Philippines sa kanilang procurement ang pagpapalakas sa kinetic capabilities sa gitna na rin ito ng aprubadong US military financing at tumitinding presensya ng mga barko ng China malapit sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Sinabi ni AFP Chief of Staff General Antonio Nafarrete na dapat malaman ng ibang bansa na hindi basta-basta at may kakayahan ang Pilipinas na ipagtanggol ang sarili nito.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Major General Oliver Maquiling, Exercise Director ng AJEX 10-2026 ang kanilang weapon system.
Aniya, ito ang weapon system para sa deterrence o pampigil sa posibleng pag-atake ng kalaban.
Mayroon umano itong mas malawak na range missile at radar na kayang mag-detect ng mga banta.
Kanya ring sinabi na nais nilang i-test ang mga bagong procured items ng Army, Air Force at Navy at gawin itong magkakaugnay bilang bahagi ng pagpapalakas sa kakayahan ng militar.
Samantala, sa hiwalay na pahayag nagpasalamat ang AFP sa patuloy na suporta ng Estados Unidos sa pagpapalakas ng kakayahan ng militar ng Pilipinas.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Amerika sa mahigit limang bilyong dolyar na arm sale sa Pilipinas at karagdagang pondong inilaan para sa military financing.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, malaking tulong ang naturang suporta sa patuloy na modernisasyon ng kanilang mga kagamitan at sa pagpapalakas ng kakayahan para maipagtanggol ang teritoryo ng bansa. Tiniyak ng AFP na anumang pagbili o pagkuha ng mga armas at kagamitang militar ay dadaan sa masusing pagsusuri at kaukulang proseso ng procurement.