Nakakita ng murang presyo ng karne at isda ang Department of Agriculture o DA sa isinagawa nitong inspeksyon sa Pasig Mega Market nitong Biyernes, bagama’t nananatiling mataas ang presyo ng mga gulay at pampalasa sa pamilihan.
Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra, inaasahang tataas nang hanggang 20% ang presyo ng mga retail product habang papalapit ang pagdiriwang ng Pasko dahil sa inaasahang pagtaas ng demand mula sa mga mamimili.
Ipinaliwanag din ng opisyal na hindi pa kasama sa kasalukuyang mga salik na ito ang potensyal na epekto ng El Niño, na inaasahang mas mararamdaman sa susunod na taon.
Sa bigas, sinabi ni Guevarra na walang masyadong pagbabago sa presyo ng bigas na nasa mahigit P50 kada kilo pero may mabibili pa rin namang well milled rice na nasa P48 kada kilo Patuloy na binabantayan ng DA ang galaw ng presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin sa mga pampublikong pamilihan upang matiyak ang kapakanan ng mga mamimili at magsasaka.