Iimbitahan ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Bangsamoro Parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang na sumalang sa lie detector test kaugnay ng napurnadang P3.5 bilyong halaga ng shabu shipment mula Laos patungong Pilipinas.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, ipadadala nila ang imbitasyon ngayong araw, at target isagawa ang pagsusulit sa susunod na linggo.
Una nang ipinahayag ni Rimbang na handa siyang sumailalim sa polygraph at drug test.
Sinabi rin ni Matibag na maaari nilang siyasatin ang bank o financial records ng dating opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na itinuturing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mastermind sa insidente.
Makikipag-ugnayan umano ang kawanihan sa Anti–Money Laundering Council (AMLC) para rito.
Kaugnay naman ng impormasyon ni Rimbang na may plano umanong arestuhin siya kahit walang kaso o arrest warrant, nilinaw ng pinuno ng NBI na walang magaganap na pag-aresto hangga’t walang inilalabas na court order.
Dagdag pa niya, ang warrantless arrest ay pinapayagan lamang kung may in flagrante delicto o aktwal na nahuli sa paggawa ng krimen ang isang tao.
Samantala, nakatakdang lumipad ang NBI patungong Hong Kong sa Nobyembre 30 upang dumalo sa isang conference kasama ang International Criminal Police Organization (INTERPOL).
Sa sideline ng nasabing pagpupulong, sinabi ni Matibag na makikipag-usap sila sa mga awtoridad ng Laos. Hihilingin ng NBI ang access sa investigation report ng Laos tungkol sa naunsyaming kargamento ng iligal na droga, gayundin ang pagkakataong makausap ang Pilipinong naaresto doon.