Ikinatuwa ng League of Municipalities of the Philippines o LMP ang napagkasunduan nila sa Department of Budget and Management (DBM) upang magtatag ng patas at malinaw na mekanismo sa pagsusuri sa kalagayan ng mga local government unit (LGU) na naapektuhan ng pagpapatupad ng Fiscal Year 2026 Collective Negotiation Agreement o CNA Incentive Guidelines.
Nagmula ang kasunduan sa pag-uusap ng mga opisyal ng LMP at ni DBM Secretary Kim Robert De Leon, kung saan idinulog ng mga pinuno ng munisipalidad ang kanilang pangamba sa ilang probisyon ng mga alituntunin na maaaring makaapekto nang hindi maganda sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan dahil sa mga pagkaantala sa mga development project at iba pang sitwasyong hindi nila kontrolado.
Pinasalamatan ng LMP si De Leon sa pakikinig sa mga hinaing ng mga munisipalidad at sa pakikipagtulungan sa mga lider ng lokal na pamahalaan upang makabuo ng praktikal at makatwirang solusyon.
“The LMP, representing the collective voice of municipalities nationwide, expresses its sincere gratitude to DBM Secretary Kim Robert C. De Leon for listening to the concerns of local government units regarding the FY 2026 Collective Negotiation Agreement (CNA) Incentive Guidelines,” ayon sa pahayag ng LMP.
“Our dialogue with Secretary Kim was productive and meaningful. More importantly, it resulted in a concrete step forward in addressing the legitimate concerns of municipalities and safeguarding the interests of our hardworking local government employees.”
Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng pagkakataon ang mga apektadong LGU na ipaliwanag ang mga sitwasyon sa likod ng pagkaantala sa pagpapatupad ng mga proyekto at magsumite ng mga sumusuportang dokumento at catch-up measure para sa ebalwasyon alinsunod sa umiiral na mga batas at alituntunin.
Ayon sa LMP, makatutulong ang mekanismong ito upang masigurong patas ang pagtatasa sa mga munisipalidad, isinasaalang-alang ang aktwal na kalagayan nila sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.
“Accountability and fairness must go hand in hand. We fully support responsible fiscal management and the timely delivery of development projects, but government employees should not be unfairly disadvantaged by circumstances beyond their control,” dagdag ng organisasyon.
Binigyang-diin din ng grupo na ang mga empleyado ng munisipalidad—na direktang naghahatid ng mahahalagang serbisyo publiko sa mga komunidad—ay nararapat na bigyan ng patas na pagsasaalang-alang sa pagpapatupad ng mga patakarang may epekto sa kanilang mga insentibo at kapakanan.
“Our municipal employees are at the forefront of public service. Their dedication, hard work, and contributions to their communities deserve recognition and fair consideration,” saad ng LMP.
Nagpahayag din ng pagpapahalaga ang liga sa pagiging bukas ni De Leon sa makabuluhang dayalogo, at sinabing ipinakita ng kasunduan ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga usapin sa patakaran.
Ayon sa LMP, magbibigay-daan ang kasunduan upang mapanatili ng DBM ang fiscal accountability habang binibigyan ng nararapat na konsiderasyon ang mga lehitimong hamon sa pagpapatupad na kinakaharap ng mga munisipalidad.
Nilinaw ng organisasyon na hindi nila layuning pahinain ang umiiral na mga pamantayan sa pananagutan, kundi tiyaking ang mga ito ay naipapatupad nang makatwiran at tuloy-tuloy nang may pagsasaalang-alang sa aktwal na sitwasyon sa baba.
Muling pinagtibay ng LMP ang pangako nitong makikipagtulungan nang malapit sa DBM upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan, mapalakas ang fiscal responsibility, at matiyak na ang pondo ng bayan ay nagiging makabuluhang mga proyekto at serbisyo pangkaunlaran. “We stand for accountable local governance, fair treatment of our municipalities, and the protection of the hardworking public servants who serve our communities every day,” aniya.