Nilinaw ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez ang naging pahayag ni US President Donald Trump na “hindi siya nababahala” (not concerned) sa nagpapatuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Romualdez, hindi nangangahulugang pinababayaan na ng Estados Unidos ang Pilipinas o ang sitwasyon sa rehiyon.
Sa halip, ipinaliwanag ng embahador na kumpiyansa lamang ang lider ng Amerika dahil maayos nang natutugunan ang usaping pang-seguridad sa lugar.
“In other words, he’s not concerned about it because that’s already being taken care of,” ani Romualdez bilang paglilinaw sa konteksto ng naging komento ni US Pres. Trump.
Binigyang-diin din ng embahador na nananatiling matibay ang alyansa ng Maynila at Washington. Bilang patunay, binanggit niya ang mga umiiral na kasunduang pangdepensa sa pagitan ng dalawang bansa, ang mga isinasagawang maritime exercises o pinagsamang pagsasanay sa karagatan, at ang tuloy-tuloy na koordinasyon ng mga opisyal ng Pilipinas at Estados Unidos upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.