Pinag-aaralan ng Pilipinas ang potensyal na pakikipag-ugnayan sa SpaceX upang makapagpatayo ng mga rocket launch site sa bansa.
Nilinaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nananatili pa sa maagang yugto ang mga pag-uusap, at ang inisyatiba ay nakatuon sa pagpoposisyon sa Pilipinas bilang isang commercial launch site para sa SpaceX—hindi upang bumuo ng pambansang space program na nakasentro sa malalaking misyon tulad ng pagpapadala ng mga astronaut sa buwan o Mars.
“We are just beginning any kind of discussions thus far. But what is happening is he is expanding the launch sites for SpaceX. And maybe the Philippines can look into it,” ani Pangulong Marcos sa mga mamamahayag nang matanong tungkol sa napaplanong pamumuhunan ng bilyonaryong si Elon Musk.
Idinagdag pa ng Pangulo: “We are not trying to be NASA. We are not trying to send a man to the moon or to Mars. What we are trying to do is to get into the business of launch sites.”
Ayon kay Pangulong Marcos, ang lokasyon ng Pilipinas sa kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko ay angkop na lugar para sa paglulunsad ng mga rocket.
Sinabi rin niyang nakikipag-usap na ang pamahalaan sa aerospace company na itinatag ni Musk, at umaasang isasaalang-alang nito ang bansa sa pagpapalawak ng mga operasyon sa paglulunsad.
Nilinaw din punong ehekutibo na ang kamakailang paglulunsad ng rocket sa Cagayan ay hindi simula ng isang pambansang space program, kundi bahagi ng pagsisikap na bumuo ng komersyal na negosyo sa mga launch site na maaaring humikayat ng mga dayuhang operator.
“The launch of our rocket in Cagayan is not the beginning of a space program. It is the beginning of a business that will attract launches. You can pay for that,” wika niya.
Dagdag pa ng Pangulo, ang ganitong kaayusan ay maaari ring magbigay-daan upang mas maginhawa at mas mura ang pagpapadala ng Pilipinas ng sarili nitong mga satellite.
Nang tanungin tungkol sa mga ulat na pinag-aaralan umano ni Musk ang pagpapaunlad ng dalawang isla sa Pilipinas, sinabi ni Marcos na wala siyang alam na mga detalye at wala pang konkretong kaayusang nagagawa. “I don’t have any details on it. I don’t think there are any details on it,” aniya.