Photo courtesy of Department of Finance (DOF)
Inatasan ni Finance Secretary Frederick Go ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang makakolekta ng tamang buwis sa patas na paraan.
Ayon sa kalihim, ipagpapatuloy ng BIR—sa ilalim ng bagong talagang Internal Revenue Commissioner na si Rolando Ligon Jr.—ang lahat ng programa at repormang sinimulan ng kanyang pinalitan na si Charlito Martin Mendoza, na ngayon ay bagong komisyoner na ng BOC.
Kasunod ng balasahan ng mga opisyal, sinabi ni Go na ang kanyang direktiba kina Ligon at Mendoza ay ituloy ang mga reporma, partikular ang pagpapabilis sa mga programa sa digitalization upang mapadali ang pagbabayad ng buwis at transaksyon sa customs, at mapabuti ang serbisyo sa mga taxpayer at stakeholder.
Inutusan ni Go ang BIR na madaliin ang bago nitong sistema na inaasahang magpapahusay ng sistema.
Dagdag pa niya, dapat ding bilisan ng kawanihan ang pagpapatupad ng e-invoicing upang mabawasan ang mga papeles at mapabilis ang pagproseso ng tax refunds.
Para naman sa BOC, sinabi ni Go na dapat bigyang-prayoridad ang National Single Window upang pagsamahin ang mga trade permits, pati na rin ang paperless Customs Processing System (CPS) at cross-border e-invoicing upang mapabilis ang clearance at mapaigting ang kampanya laban sa smuggling at misdeclaration.
Nakatakdang kumolekta ang BIR at BOC ng pinagsamang ₱4.441 trilyon na kita para sa pamahalaan.