Sa loob lamang ng 15 minuto, masusuri na ng mga guro kung ang isang mag-aaral ay nangangailangan ng karagdagang tulong sa pag-aaral o pagsasalita.
Ito’y sa pamamagitan ng bagong screening tool ng Department of Education (DepEd) upang matiyak na agad silang makatatanggap ng kaukulang pangangalaga mula sa mga espesyalista.
Tinawag ito ni Education Secretary Sonny Angara na Project SABAY o Screening using AI-Based Assistance for Young Children, ang tool na gumagamit ng artificial intelligence (AI) para suriin ang hamong bumabagabag sa mga estudyante.
Malaking improvement aniya ito kumpara sa tradisyonal na mga pamamaraan gaya ng Multi-Factored Assessment Tool (MFAT) na karaniwang umaabot ng hanggang dalawang oras bawat bata.
Layunin ng AI-based tool ani Angara na palakasin ang kakayahan ng mga guro at mabigyan din ang mga magulang ng malinaw na kaalaman upang masuportahan ang development ng kanilang anak.