Nagpaalala ang Department of Tourism sa travel at safety advisory para sa mga turistang nasa Albay ngayong nakataas muli sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.
Kasunod ng pagputok ng bulkan, opisyal nang ipinagbawal muli ng DOT Region V ang lahat ng aktibidad ng turismo sa paligid nito, kabilang ang sikat na Mayon ATV rides, hiking, at mountaineering upang maiwasan ang sakuna sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone.
Nagpatupad din ng No-Fly Zone para sa mga recreational drone malapit sa bulkan, habang pinapayuhan naman ang mga turistang nakararanas ng ashfall na manatili sa loob ng mga accredited hotel, isara ang mga bintana, at magsuot ng N95 mask.
Hinihimok naman ng DOT ang publiko na palaging makipag-ugnayan sa mga lokal na tourism officers at marshals para sa ligtas at responsableng paglalakbay.