Suportado ng House prosecution panel ang hiwalay na imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya kaugnay ng mga isyung nabunyag sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang posibleng tax evasion.
Sa pulong balitaan, tinanong si House prosecution spokesperson Zia Alonto-Adiong kung plano ng prosekusyon na magsumite ng mga dokumento o findings sa Bureau of Internal Revenue o BIR upang maimbestigahan ang posibleng hindi pagdedeklara ng tamang kita ng bise presidente at ng asawang si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Adiong, nauna nang kumilos ang BIR at naglabas na ng Letter of Authority upang suriin ang corporate at individual records, gayundin ang mga income tax return na isinumite ng mag-asawa.
Aniya, indikasyon ito na mayroon nang hiwalay na pagsusuri ang ahensya kaugnay ng posibleng hindi ganap na pagdedeklara ng kita ng mga kumpanyang iniuugnay sa kanila.
Binigyang-diin ni Adiong na nakatuon ang prosekusyon sa mga ebidensiyang iniharap nila sa impeachment court, ngunit dapat ding ituloy ng ibang ahensya ang kani-kanilang imbestigasyon kung may sapat na batayan.