Iginiit ng abogado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon na walang legal na batayan ang pinaigting na manhunt ng Philippine National Police (PNP) laban sa senador.
Sa phone interview sa Camp Crame, sinabi ni Torreon na walang inilalabas na warrant of arrest ang korte sa Pilipinas.
Ayon kay Torreon, hindi rin umano maaaring gamiting batayan ang Section 17 ng Republic Act 9851, dahil walang malinaw na rules of procedure kung paano isusuko sa International Criminal Court (ICC) ang isang tao, gaya ng kung saang korte maaaring dumulog ang senador.
Dahil dito, umapela ang kampo ni dela Rosa sa mga pulis na sumunod lamang sa mga lehitimong utos, para maiwasan ang anumang legal na komplikasyon.
Sinabi rin ni Torreon na wala umano si dela Rosa sa listahan ng red notice ng Interpol, pero inamin niyang hinihintay pa nila ang pormal na sertipikasyon mula rito.
Sa ngayon, wala rin aniya siyang komunikasyon sa senador mula pa noong Mayo. Gayunman, naniniwala siyang nasa bansa pa rin si Dela Rosa. | ulat ni Diane Lear