Office of Sen. Ping Lacson
Iginiit ni Senador Ping Lacson na hindi dapat ituring na larawan ng buong pamahalaan ang katiwalian dahil may mga tapat na lingkod-bayan sa bawat sangay ng gobyerno.
Ito ang tugon ni Lacson sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na malalim nang nakaugat sa DNA ng pamahalaan ang korapsyon.
Ayon kay Lacson, bagama’t umiiral ang katiwalian sa burukrasya, hindi ito nangangahulugang lahat ng nasa gobyerno ay sangkot dito.
Binigyang-diin ng senador may mga exemption sa bawat antas at sangay ng pamahalaan, kabilang ang ehekutibo, lehislatibo at hudikatura.
Sinabi rin ni Senator Ping na patuloy siyang nakikipagtulungan sa mga kapwa lingkod-bayan na may kaparehong paninindigan para labanan ang krimen, korapsyon at iba pang maling gawain. Nauna nang sinabi ni VP Sara na isa sa mga pangunahing hamon sa pagkamit ng mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino ang korapsyon, na aniya’y malalim nang nakabaon sa sistema ng pamahalaan.