Photo courtesy of Philippine National Police (PNP)
Pinuri ng National Capital Region Police Office ang mahigit 20-libong pulis at mga katuwang na puwersa na itinalaga sa seguridad ng 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa Metro Manila.
Sa post-deployment at awarding ceremony sa Camp Bagong Diwa, pinasalamatan ni NCRPO Acting Regional Director PBGEN Christopher Abrahano ang mga tauhan na naging bahagi ng matagumpay na operasyon.
Ayon kay Abrahano, naging maayos ang seguridad dahil sa disiplina, kahandaan at pagtutulungan ng mahigit 20-libong tauhan ng pulisya at force multipliers.
Sinabi rin nitong napanatili ang kaayusan sa kabila ng mga demonstrasyon at pagtitipon, habang iginagalang ang karapatan ng publiko sa mapayapang pag-titipon. Kabilang sa mga kinilalang tauhan ang mga pulis mula sa NCRPO at mga Police Regional Office ng Central Luzon, CALABARZON, Ilocos at Cordillera.