Naisumite na ni Senate Committee On Finance Chairman Senador JV Ejercito ang kanilang committee report para sa 2027 General Appropriations Bill (GAB).
Kabilang sa mga binago nila mula sa bersyon ng kamara ng budget bill ang pagtanggal sa tinatayang 97 billion pesos na halaga ng mga proyekto sa panukalang 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang pagsusuri sa mga ito.
Ayon kay Ejercito, tinanggal ang mga proyekto ng DPWH na hindi nakasunod sa mga itinakdang requirement kabilang ang pagkakaroon ng geo-tagging, pag-apruba ng Regional Development Council, certificate of implementability at program of works.
Samantala, ibinalik naman ng Senado ang pondo para sa mahahalagang foreign-assisted infrastructure projects, kabilang ang 4.7 billion pesos counterpart fund ng pamahalaan para sa Metro Manila Subway at 30 billion pesos loan proceeds para sa North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway System.
Ayon kay Ejercito, umabot sa 68.97 billion pesos ang kabuuang pondong naibalik para sa mga naturang flagship projects.
Kabilang din sa mga pangunahing pagbabago ang dagdag na 15.3 billion pesos para sa sektor ng edukasyon, na kinabibilangan ng 11.8 billion pesos para sa Department of Education at 2.8 billion pesos para sa state universities and colleges.
Sa agrikultura, naglaan ng karagdagang 4.4 billion pesos para sa National Rice Program, isang bilyong piso para sa Quick Response Fund at isang bilyong piso para sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center.
Nagdagdag din ang Senado ng 5.56 billion pesos para sa defense sector, kabilang ang 750 million pesos para sa pagpapaunlad ng siyam na mahahalagang imprastraktura sa Kalayaan Island Group sa Palawan.
Mayroon ding 2.9 bilyong pisong dagdag para sa Philippine National Police.
Kabilang pa sa mga inilaan ang isang libong pisong dagdag na benepisyo para sa mga kwalipikadong kawani ng gobyerno, sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund at 650 million pesos na dagdag sa Emergency Repatriation Fund ng Overseas Workers Welfare Administration.
Sinabi ni Ejercito na layunin ng mga pagbabago na pasiglahin ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapabilis sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura at pagtaas ng public spending. Gayunman, tiniyak niyang paiigtingin ang pananagutan at pagsusuri sa mga proyekto.