Personal na ininspeksyon ni Sorsogon Police Provincial Office Provincial Director PCOL Darwin Miranda ang kahandaan ng mga pulis na nakatalaga sa iba’t-ibang sementeryo, terminal, at iba pang lugar sa lalawigan bilang paghahanda sa paggunita ng Undas 2026.
Isinagawa ang pag-iikot nitong Oktubre 29 mula Sorsogon City hanggang sa bayan ng Matnog upang matiyak ang maayos na deployment at kahandaan ng mga tauhan sa pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad.
Sa kaniyang pagbisita, personal na kinumusta at sinuri ni Miranda ang mga pulis upang matiyak na kaya nilang agad tumugon sa pangangailangan ng publiko, partikular sa mga dadalaw sa sementeryo at mga biyahero.
Ayon sa Sorsogon Police Provincial Office, patuloy nilang paiigtingin ang pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad upang matiyak ang ligtas, maayos, at payapang paggunita ng Undas 2026 sa buong lalawigan ng Sorsogon.
📸 Sorsogon PPO