Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) ang muling pagbubukas ng Voter’s Registration sa Nobyembre bilang maagang paghahanda para sa darating na 2028 National and Local Elections.
Sa panayam ng PTV kay COMELEC Spokesperson, Director John Rex Laudiangco iginiit niyang napaka-halaga ng maagang paghahanda upang matiyak na malinis, maayos, at sistematiko ang listahan ng mga botante sa bansa.
Magsisimula ang Voter’s Registration sa November 10, 2026 at magtatagal hanggang July 30, 2027.
Bukas ito sa mga bagong botante o first-time voters, mga nais mag-transfer ng registration, mag-update ng mga impormasyon, o maghain ng reactivation para sa mga nawalang record.
Ayon kay Dir. Laudiangco, patuloy na pinaiigting ng COMELEC ang kanilang mga sistema upang maiwasan ang anumang uri ng anomalya tulad ng mga tinatawag na “flying voters” o pagboto gamit ang pangalan ng mga pumanaw na indibidwal.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang ng ahensya ang masusing pagkuha ng biometrics at iba pang hakbang panseguridad sa database upang masiguro na tumpak at beripikado ang bawat botanteng lalahok sa 2028.
Sa ngayon papalo na sa 69 million ang rehistradong botante sa Pilipinas at inaasahang tataas pa ito sa 72 million na registered voter’s para sa darating na 2028 National and Local Elections.
Hinimok ng COMELEC ang publiko, lalo na ang mga kabataang botante, na samantalahin ang mahabang panahong ibinigay ng ahensya at huwag nang maghintay sa mga huling araw ng deadline upang makapagpa-rehistro.