Photo courtesy of PAMANA
Muling magniningning ang mayamang sining at kultura ng Gitnang Luzon sa pagtataguyod ng prestihiyosong PAMANA: Parangal sa Manlilikhang Natatangi, isang inisyatiba ng Department of Tourism (DOT) Region III katuwang ang Hann Foundation Inc.

Layunin ng programang ito na kilalanin, itampok, at bigyang-pugay ang mga natatanging lokal na artisano at culture bearers na walang-pagod na nagpapanatili ng mga buhay na tradisyon ng rehiyon para sa susunod na henerasyon.

Ayon kay Chin Chin C. Nuguid, Communication at Multimedia Specialist ng PAMANA, ang parangal ay nakatuon sa mga dalubhasa at umuusbong na artisan—tulad ng mga katutubong tagahabi, manlililok, magpapalayok, tradisyunal na tagapagluto, mang-aawit ng katutubong awit, at iba pang tagagawa ng sining na patuloy na nagpapanatili sa buhay na pamana ng kanilang komunidad.
Matatandaan sa nakalipas na edisyon ng programa, nasa 13 natatanging indibidwal ang ginawaran ng pagkilala sa isang marangyang “Gabi ng Parangal” na dinaluhan ng mga culture bearers, katuwang na sektor, at iba pang stakeholders sa rehiyon.
Ngayong taon, mas pinaigting pa ng DOT Region III at ng mga lokal na pamahalaan (LGU) ang pagtukoy sa mga natatanging alagad ng sining at kultura sa bawat bayan. Bahagi ng mahigpit na proseso ng e-nomination ang pagsusumite ng mahahalagang dokumento, gaya ng PSA Birth Certificate, pirmadong endorsement forms, at kumpletong dossier na nagpapatunay sa mataas na antas ng kahusayan ng nominado sa kaniyang larangan, gayundin sa aktibo niyang pagbabahagi ng kaalaman at kasanayan sa mga kabataan sa kanilang komunidad.
Sa ilalim ng temang nagtataguyod at nangangalaga sa katutubong sining, binibigyang-pugay ng parangal ang mga natatanging tradisyon at likha ng mga komunidad, kabilang ang paghahabi ng rattan, paggawa ng walis-tingting o tiger grass, paglililok, pagpapalayok, at pagpapanatili ng mga katutubong lutuin at awitin.