Panibagong international milestone para sa SB19!
Kabilang ang P-pop group sa lineup ng Coachella Valley Music and Arts Festival 2027, isa sa mga kilalang music festivals sa buong mundo. Nakatakdang magtanghal ang SB19 sa April 10 at 17, 2027 sa Empire Polo Club sa Indio, California.
Ibinahagi ng grupo ang magandang balita sa kanilang social media pages, kasama ang mensaheng “See you on the other side of the desert, A’TIN!” na ikinasabik ng kanilang fans.

Sikat ang SB19 sa kanilang mga awiting “GENTO,” “MAPA,” “DAM,” “DUNGKA!,” “VISA,” at iba pa, na patuloy na nagpapakilala sa kanilang musika sa mas maraming tagapakinig, maging sa labas ng bansa.
Kinikilala rin ang SB19 bilang Tourism Ambassadors ng Pilipinas, na katuwang ng Department of Tourism (DOT) sa pagpapakilala sa bansa sa mas malawak na international audience. Sa pamamagitan ng kanilang impluwensiya sa international music scene, inaasahang makatutulong ang grupo sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa turismo ng ating bansa.
Ang SB19 ang ikalawang Filipino act na tatapak sa Coachella, kasunod ng BINI na nagtanghal noong April 10 at 17, 2026.
Isang panibagong tagumpay na maipagmamalaki ng SB19, ng bawat A’TIN, at ng buong Pilipinas.