Photo courtesy of Magbasa Tayo Movement
Nakapanayam ng programang School-On-The-Air sa Radyo Magasin si Kevin Conrad Tansiongco, Founder ng Magbasa Tayo Movement, isang samahan ng mga librarian sa Pilipinas.
Sa pagtaya ng Magbasa Tayo Movement, nasa 5,000 lamang ang aktibo at rehistradong librarian sa buong bansa, malayo aniya ang bilang na ito kumpara sa milyun-milyong mga estudyante na nangangailangan ng serbisyo.

Kaugnay nito, hinikayat ni Tansiongco ang publiko, partikular ang mga kabataan na maging bukas sa pagiging isang lisensiyado o rehistradong librarian.
Aniya, mahalaga ang gampanin ng librarian sa pagmumulat ng mga tamang impormasyon at paghubog sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas.
“Ang mga librarian po natin hindi na lang libro ang ibinibigay at ipinapahiram, mayroon tayong board games, ginagamit na po natin ang board games para sa creative and imagination learning ng mga bata. Mayroon din po tayong mga collection at materials for special needs at para rin po doon sa ating mga persons with disabilities (PWDs). Importante po na makita na ang mga librarian ay hindi lang nagpapahiram ng libro,” pahayag ni Tansiongco.

Binigyang-diin pa ni Tansiongco ang kahalagahan ng karagdagang silid-aklatan sa mga pampublikong paaralan upang mabigyan ng wastong pasilidad ang mga bata para magbasa at matuto.