Matagumpay na nagtapos nitong Huwebes, November 26, 2026, sa Bohol ang dalawang araw na 10th Asia-Europe Meeting of Ministers for Education (ASEMME10), na pinangunahan ni CHED Chairperson Dr. Shirley Castañeda Agrupis at dinaluhan ng 150 delegado mula sa 19 na bansa.
Sa temang “Sustainability and Solidarity: Navigating Our Future Together through Asia-Europe Higher Education Cooperation,” nangako ang mga ministro ng mas malalim na pagtutulungan sa pagpapaunlad ng blue economy, etikal na paggamit ng Artificial Intelligence (AI), lifelong learning, at mas balanseng student exchange.
Pinuri rin sa pagpupulong ang ISLA Grant ng CHED na nagbibigay-pondo sa mga unibersidad sa liblib na isla, ang paglulunsad ng prototype ng ASEAN GEMS+ para sa scholarships at pananaliksik, ang pagtatatag ng network ng mga institusyon sa baybayin ng Asya at Europa, at ang pagpapatibay sa mga programang Erasmus+ at ASEM-DUO.
Samantala, inilipat na sa mga rehiyonal na sentro sa Asya at Europa ang pamamahala ng ASEM Lifelong Learning Hub, habang mananatili muna sa Italya ang ASEM Education Secretariat sa susunod na dalawang taon bago ito ipasa sa isang bansa sa Asya.