Nagpahayag ng suporta ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa panawagan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na ipaglaban ang karapatan at kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.
Ayon kay CBCP President at Lipa Archbishop Gilbert Garcera, hinimok nito ang mga diyosesis, parokya, religious communities, Catholic schools at lay organizations na makiisa sa panawagan at, kung maaari, lumahok sa mapayapang pagtitipon sa Disyembre 3.
Layunin ng pagkilos na hilingin sa Korte Suprema na muling pag-aralan ang mga desisyong may epekto sa proteksyon ng 15-kilometrong municipal waters at sa pagbabantay sa mga commercial fishing vessels.
Ayon sa CBCP, nanganganib ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda dahil sa mga naturang desisyon kaya mahalagang mapangalagaan ang kanilang karapatan sa yamang-dagat.
Umapela rin ang mga obispo sa Kongreso na palakasin ang legal na proteksyon sa municipal waters at tiyakin ang mahigpit na monitoring sa mga commercial fishing vessels.
Sa pastoral statement ni Cardinal David, binigyang-diin nito na hindi limos kundi katarungan ang hinihingi ng mga mangingisda na matagal nang nagbibigay ng pagkain sa bansa ngunit nanganganib ngayong mawalan ng kabuhayan. | ulat ni DK Zarate